-- ADVERTISEMENT --

Itinuturing ng isang grupo ng mga magsasaka na makatwiran ang posibleng pagtaas ng presyo ng bigas sa P60 hanggang P62 kada kilo pagsapit ng Setyembre, sa gitna ng patuloy na pagmahal ng gastos sa produksyon.

Ayon kay Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist, bagama’t may dagdag-presyo sa merkado, maaari itong makatulong sa mga magsasaka upang bahagyang makabawi sa tumataas na halaga ng mga farm inputs—lalo na ang abono.

Gayunpaman, nilinaw niya na hindi pa rin ito garantiya ng malaking kita. Aniya, nananatiling mabigat ang gastusin sa produksyon, at kung magtitipid naman sa abono, posibleng bumaba ang ani na lalo ring magpapaliit sa kanilang kita.

Umaasa ang grupo na mananatili lamang sa nasabing antas ang presyo ng bigas upang hindi naman mabigatan ang mga mamimili. Para sa kanila, mahalaga ang balanse—isang presyong patas para sa magsasaka at abot-kaya para sa publiko.

Nagpahayag din ng pangamba si Cabatbat sa epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East, na maaaring magdulot ng pagtaas sa presyo ng langis. Kapag nangyari ito, posible aniyang magkaroon ng domino effect sa iba pang bilihin, kabilang na ang bigas.