-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ng International Criminal Court (ICC) Prosecution na ibasura ang hiling ni Rodrigo Duterte na payagan siyang iapela ang desisyon ng korte na nagkukumpirma sa mga kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y extrajudicial killings.

Sa isang 12-pahinang dokumento na may petsang Mayo 4, iginiit ng Prosecution sa ICC Pre-Trial Chamber I na wala umanong bagong argumento ang kampo ni Duterte at ang kanilang mosyon ay nakabatay lamang sa hindi pagsang-ayon sa naging pasya ng korte.

Binigyang-diin din ng Prosecution na mali ang interpretasyon ng depensa sa desisyon ng ICC, partikular sa usapin ng mga kaso. Ayon sa kanila, malinaw na sinuri ng korte ang lahat ng detalye at pinakinggan ang magkabilang panig bago naglabas ng ruling.

Pinuna rin ng Prosecution ang mga pahayag ng legal team ni Duterte sa media na tumatawag umano sa ICC bilang “biased” at “self-serving.” Ayon sa kanila, ang ganitong mga pahayag ay labag sa inaasahang asal ng mga abogado sa ilalim ng Code of Conduct at maaaring makasira sa kredibilidad ng korte.

Binanggit din sa dokumento si Salvador Panelo, na umano’y naghayag ng kaparehong kritisismo laban sa ICC sa mga lokal na media, kabilang ang pahayag na sinusubukan lamang umano ng korte na “bigyang-katwiran ang sarili nitong pag-iral.”

Ayon pa sa Prosecution, ang ganitong retorika ay maaaring makaapekto sa mga testigo at biktima, na posibleng matakot makilahok sa proseso dahil sa mga alegasyong nagpapahina sa tiwala sa korte.

Noong Abril, binuo na ng ICC Presidency ang Trial Chamber na hahawak sa kaso, bilang paghahanda sa pormal na paglilitis kay Duterte kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity.