-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng International Criminal Court na wala pa itong inilalabas na pampublikong arrest warrant kaugnay sa Pilipinas, kasunod ng mga kumakalat na ulat na may warrant na umano laban kay Ronald “Bato” Dela Rosa.

Sa pahayag ng ICC, hinikayat nito ang publiko na umasa lamang sa opisyal na impormasyon at umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong balita na nagmumula online.

Nauna rito, sinabi ni Jonvic Remulla na naghahanda ang pamahalaan ng mahigit 10,000 task force personnel sakaling maglabas ng arrest warrant ang ICC laban sa senador. Gayunman, inamin din niyang wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na kopya ng warrant mula sa international tribunal.

Si Dela Rosa ay dating hepe ng Philippine National Police noong administrasyon ni Rodrigo Duterte at isa sa mga personalidad na inuugnay sa imbestigasyon ng ICC hinggil sa kontrobersyal na war on drugs ng nakaraang administrasyon.