Ipinasa ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang 6,909 na ebidensiya bilang bahagi ng paghahanda sa nakatakdang paglilitis sa Nobyembre 30.
Batay sa notification ng prosecution tungkol sa disclosure of evidence mula Enero 7 hanggang Hulyo 31, nasa 4,573 ang inuri bilang Rule 77 evidence o tangible materials na maaaring inspeksiyunin ng depensa. Samantala, 2,279 ang tinukoy bilang incriminating evidence na may kaugnayan sa mga alegasyon ng pagpatay sa kampanya kontra ilegal na droga, kabilang ang mga dokumento tungkol sa barangay operations, high-value targets at Davao Death Squad.
May 57 ebidensiya naman na inuri bilang potentially exonerating, kabilang ang mga materyal na maaaring pabor sa depensa, magpahina sa kredibilidad ng mga saksi o magpakita ng posibleng line of defense.
Ang mga bagong materyal ay dagdag sa naunang ebidensiyang isinumite ng prosekusyon kaugnay sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ni Duterte sa ICC.
Sa ngayon, hawak na ng Trial Chamber III ang mga dokumento para sa paghahanda ng paglilitis. Nanatiling confidential ang mga ebidensiya at impormasyon sa pagitan ng dalawang panig habang nagpapatuloy ang proseso ng korte.













