-- ADVERTISEMENT --

Ibinalik sa Philippine National Police General Hospital si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos siyang muling dalhin doon kasunod ng kanyang mosyon para sa hospital arrest.

Ayon sa ulat, pansamantalang inilipat si Bonoan mula sa kustodiya upang dumalo sa nakatakdang arraignment kaugnay ng kasong graft at plunder sa Sandiganbayan, ngunit hindi ito natuloy matapos ipagpaliban ng korte ang pagdinig hanggang Hunyo 4.

Naantala ang arraignment dahil sa mga nakabinbing mosyon kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa umano’y iregularidad sa flood control projects na tinatayang umaabot sa P537 milyon.

Kinumpirma rin ng Sandiganbayan Fifth Division na natanggap nila ang hiwalay na kahilingan ni Bonoan para sa hospital arrest, na isinampa ilang oras matapos siyang isugod sa ospital dahil sa pagtaas ng kanyang blood pressure.

Ang dating kalihim ay isinailalim sa medical attention matapos ipag-utos ang kanyang pansamantalang paglabas mula sa kustodiya, bago muling ibalik sa ospital habang hinihintay ang desisyon ng korte sa kanyang mosyon.

Patuloy namang hinihintay ang magiging pasya ng Sandiganbayan sa usapin, habang nakabinbin din ang pag-usad ng mga kasong kinakaharap ng iba pang akusado sa parehong kontrobersiya.