Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na obligadong personal na humarap sa mismong paglilitis si Rodrigo Duterte matapos pagtibayin ng Pre-Trial Chamber I ang mga kasong crimes against humanity laban sa kanya.
Batay sa Rome Statute, malinaw na kailangang naroroon ang akusado sa trial. Bagama’t maaaring pansamantalang alisin sa courtroom kung magiging sagabal sa proceedings, itinuturing itong “exceptional circumstance,” at dapat pa rin siyang makasubaybay sa pamamagitan ng communication technology at makipag-ugnayan sa kanyang legal team.
Dumalo si Duterte sa isang pagdinig noong Marso 2025 ngunit hindi na sumunod sa mga kasunod na proceedings, kabilang ang confirmation of charges. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya siya ng ICC kaugnay ng mga alegasyon ng malawakang pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga, pati na rin noong siya ay alkalde ng Davao City.
Nauna nang itinanggi ni Duterte ang direktang pananagutan sa mga nasawi, bagama’t inamin niyang siya ang naglatag ng mga polisiya laban sa ilegal na droga. Ayon sa datos ng pulisya, higit 6,000 ang napatay sa mga operasyong isinagawa sa kanyang administrasyon.
Susunod na hakbang ang pagbuo ng ICC Presidency ng isang Trial Chamber na hahawak sa kaso. Kapag nabuo na ito, magtatakda ang mga hukom ng petsa ng paglilitis at mga patakaran sa proseso, kabilang ang pagharap sa ebidensya at iba pang isyung procedural.
Nilinaw din ng ICC na hindi awtomatikong naaapela ang desisyon sa confirmation of charges. Gayunpaman, maaari pa ring maghain si Duterte ng kahilingan para sa interim release, na mananatiling nasa pagpapasya ng mga hukom.













