Nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50 milyong pabuya para sa agarang pagkakaaresto kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Ayon kay Remulla, itinuturing na armado at mapanganib ang senador kaya patuloy nilang isinusulong ang mapayapang pagsuko nito upang maiwasan ang posibleng madugong engkuwentro.
Manggagaling umano ang pabuya sa intelligence funds ng Philippine National Police (PNP) at DILG.
May kaugnayan ang paghahanap kay Dela Rosa sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na nag-ugat sa madugong kampanya kontra droga noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng PNP.
Sa Nobyembre, gugunitain ang unang anibersaryo ng naturang warrant, habang nananatiling nakatuon ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng operasyon para sa pag-aresto sa senador.













