-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa matukoy ng Department of Justice (DOJ) ang dahilan sa likod ng pagsabog na naganap sa tapat ng kanilang tanggapan noong madaling araw ng Lunes, Hulyo 27.

Ayon kay DOJ Undersecretary Ian Norman Dato, patuloy pa ang imbestigasyon upang malaman ang tunay na motibo at kung sino ang nasa likod ng insidente.

Naganap ang pagsabog ilang oras matapos ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang sumabog umano ang isang improvised explosive device (IED) malapit sa entrance ng DOJ pasado alas-dose ng hatinggabi.

Sinabi ni Dato na tinitingnan din ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang insidente sa narekober na pampasabog malapit sa Senado sa Pasay City na natagpuan din sa kaparehong araw.

Tiniyak naman ng DOJ na ligtas ang buong pasilidad matapos ang insidente sa tulong ng mga tauhan ng Philippine National Police at iba pang awtoridad na nagsagawa ng seguridad at pagsusuri sa lugar.