Umabot na sa hindi bababa sa 35 ang kumpirmadong nasawi habang 12 iba pa ang nawawala kasunod ng mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani at mga karatig-lugar noong umaga ng Hunyo 8, ayon sa mga awtoridad.
Batay sa datos ng Office of Civil Defense, pinakamataas ang naitalang bilang ng mga nasawi sa General Santos City na may 10 biktima. Karamihan sa mga pagkamatay ay iniuugnay sa pagbagsak ng mga debris, pagguho ng mga istruktura, at mga landslide na dulot ng malakas na pagyanig.
Nasa mahigit 134 katao naman ang nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng apektadong rehiyon, ayon sa ulat ng Philippine National Police, habang nagpapatuloy pa ang beripikasyon ng kabuuang bilang ng mga naapektuhan.
Kabilang sa mga pinakamalubhang insidente ang pagguho ng isang dalawang-palapag na gusali ng paaralan sa General Santos City habang may mga estudyante sa loob nito. Lumabas din sa mga kumalat na video sa social media ang pagbagsak ng ilang gusali ng unibersidad, commercial establishments, at mga restaurant dahil sa matinding pagyanig.
Dahil sa lakas ng lindol, nagmadaling lumikas ang maraming residente palabas ng mga gusali upang makaiwas sa posibleng panganib mula sa mga aftershock at pagguho ng mga istruktura.
Malaki rin ang naging epekto nito sa sektor ng edukasyon matapos iulat ng Department of Education na nasa 8,600 paaralan sa 43 school divisions sa anim na rehiyon ang naapektuhan ng sakuna.
Samantala, pansamantalang itinigil ang operasyon ng General Santos International Airport mula alas-8:45 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon upang magsagawa ng safety inspection. Dahil dito, 17 domestic flights ang nakansela at nilimitahan muna ang paggamit ng paliparan para sa mga government, military, at humanitarian flights.
Hindi lamang Pilipinas ang nagbantay sa epekto ng lindol. Nagpalabas din ng tsunami warnings ang Indonesia at Japan bilang pag-iingat, subalit kalaunan ay binawi rin ang mga alerto matapos matiyak na wala nang banta ng mapanganib na tsunami.













