Pinasaringan ni constitutional law expert Domingo Egon Cayosa ang ilang miyembro ng Senado na tinawag niyang “kapit tuko” sa pwesto, kasabay ng umiiral na banggaan ng mga paksyon sa mataas na kapulungan.
Ayon sa kanya, may tensyon ngayon sa pagitan ng tinatawag na Cayetano bloc, na umano’y pinangungunahan ni Alan Peter Cayetano, at ng Gatchalian bloc, na inuugnay naman sa liderato ni Acting Senate President Win Gatchalian.
Giit ni Cayosa, ang patuloy na paggiit ng Cayetano bloc sa liderato ay tila “desperadong pagtatangka” na manatili sa kapangyarihan, sa kabila umano ng mga probisyon ng Konstitusyon, desisyon ng korte, at umiiral na Senate rules na mas sumusuporta sa kasalukuyang pamunuan. Dahil dito, aniya, naaantala ang mahahalagang trabaho ng Senate of the Philippines gaya ng pagpasa ng mga batas, confirmation ng mga opisyal, at mga pagdinig.
Dagdag pa niya, mas makabubuti para sa institusyon kung kusa nang bumaba sa puwesto ang mga kumokontra at hayaan ang lideratong sinusuportahan ng mas nakararaming senador, para sa tinatawag niyang mas “tunay na public service” at mas maayos na takbo ng trabaho sa Senado.













