-- ADVERTISEMENT --

Mariing tinutulan ni Panfilo Lacson ang naging pahayag ni Alan Peter Cayetano na nagbansag sa kanya bilang “aso” ng Malacañang.

Sa isang post sa X, sinabi ni Lacson na hindi niya kailanman aakuin ang naturang paratang at iginiit na wala itong batayan.

Binigyang-diin din ng senador na matagal siyang tinatawag ni Cayetano na “Kuya Ping,” kaya kung aso ang tingin umano nito sa kanya, maituturing din itong pag-amin ng dating Senate President sa kanilang naging samahan.

Ayon pa kay Lacson, naaawa siya sa kalagayan ni Cayetano dahil sa mga pahayag nitong aniya’y hindi na makatuwiran, at nagpahayag pa ng pag-asa na hindi tuluyang “mag-meltdown” ang kapwa mambabatas.

Ang sagutan ng dalawang senador ay nagsimula matapos tawagin ni Cayetano si Lacson na “aso” sa isang Facebook Live broadcast, kung saan ipinaliwanag niyang ang termino ay tumutukoy sa isang taong sunod-sunuran sa utos ng iba.

Hindi lamang si Lacson ang pinatamaan ni Cayetano. Tinawag din nito sina Vicente Sotto III at Raffy Tulfo bilang mga “tuta” umano ng Malacañang, habang inilarawan naman niya si Erwin Tulfo bilang “tuta” ni Lacson.

Patuloy namang umiinit ang palitan ng pahayag sa pagitan ng ilang miyembro ng Senado sa gitna ng mga usaping pulitikal na kinahaharap ng mataas na kapulungan.