Haharap sa korte si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang sagutin ang mga alegasyong ibinabato sa kanya, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ade Fajardo.
Sinabi ni Fajardo na iginagalang ni Romualdez ang korte at ang legal na proseso at handa siyang harapin ang mga paratang alinsunod sa batas.
Binigyang-diin ng abogado na dapat matukoy ang criminal liability batay sa ebidensyang ihaharap at susuriin sa korte, sa halip na sa mga opinyon o panghuhusga.
Aniya, hindi humihingi si Romualdez ng espesyal na pagtrato. Ang hinihiling lamang umano niya ay ang due process at patas na pagdinig na ginagarantiyahan ng batas sa bawat Pilipino.
Dagdag ni Fajardo, dapat manaig ang katotohanan, ebidensya at wastong proseso ng hudikatura sa gitna ng malaking interes ng publiko sa kaso.













