-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala si dating Iloilo 5th District Representative Niel “Junjun” Tupas na tama ang naging desisyon ng House Prosecution Panel na hindi na iharap ang natitira nitong mga testigo para sa Article 4 o Grave Threats sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Tupas, na nagsilbing lead prosecutor sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, na ang naturang artikulo ang pinakamahinang bahagi ng Articles of Impeachment.

Ayon sa kanya, kung ipagpapatuloy pa ang presentasyon ng mga testigo, maaari lamang itong magbigay ng pagkakataon sa depensa na busisiin at kuwestiyunin ang kaso, sa halip na palakasin ang posisyon ng prosekusyon.

Sinabi rin ni Tupas na posibleng isa sa mga naging konsiderasyon ng prosecution panel ang panawagan ng ilang opisyal na huwag nang ituloy ang pagpresenta ng iba pang testigo para sa Article 4.

Dagdag pa niya, hindi na rin aniya kinakailangang humarap sa pagdinig sa Hulyo 20 si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag dahil naiprisinta na ng dalawang opisyal ng NBI ang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y grave threats ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.