-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patuloy ang isinasagawang damage assessment sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 5.4 na lindol na tumama sa Region 12 at iba pang bahagi ng Mindanao. Ayon sa PHIVOLCS, naganap ang pagyanig ngayong umaga, ganap na alas-9:42, na may sentro sa Matanao, Davao del Sur at may lalim na 15 kilometro.

Naramdaman ang Intensity V sa lungsod ng Digos, gayundin sa mga bayan ng Magsaysay, Matanao, at Bansalan sa Davao del Sur. Samantala, naitala naman ang Intensity IV sa Hagonoy, Santa Cruz, Davao City, Kabacan, Kidapawan City, at M’lang sa Cotabato Province, pati na rin sa Malungon, Sarangani at mga bayan ng Tampakan at Tupi sa South Cotabato.

Bukod dito, naranasan din ang Intensity III sa mga bayan ng Antipas, Arakan, Magpet, Matalam, President Roxas, at Tulunan sa Cotabato Province, gayundin sa Alabel, Glan, at Malapatan sa Sarangani, Koronadal City, at mga bayan ng Banga, Polomolok, at Tantangan sa South Cotabato, pati na rin sa General Santos City.

Samantala, Intensity II ang naitala sa Jose Abad Santos, Davao Occidental; Libungan, Cotabato Province; at sa mga bayan ng Norala, Surallah, Santo Niño, at T’Boli sa South Cotabato. Naitala rin ang Intensity I sa Don Marcelino, Davao Occidental; Banisilan, Cotabato Province; at sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.

Nagdulot ng takot at pangamba ang naturang pagyanig sa mga residente ng Koronadal City, lalo na sa gitna ng idinaraos na ikalawang araw ng Soccsksargen Regional Athletic Association Meet (SRAA) 2025. Halos 7,000 na atleta, coaches, teknikal na opisyal, at mga kinatawan mula sa Department of Education at Local Government Units ang kasalukuyang kalahok sa aktibidad.

Ayon sa ilang residente, muling nanumbalik ang takot na dulot ng malalakas na lindol sa nakaraang mga taon na nagdulot ng matinding pinsala sa ilang bahagi ng Mindanao, kabilang ang South Cotabato.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga awtoridad na walang naitalang nasaktan sa mga playing venues, kaya’t nagpatuloy ang mga laro matapos ang pagyanig.

Samantala, nanawagan ang Office of the Civil Defense Region 12 sa mga residente, lalo na sa mga apektadong lugar, na maging mapagmatyag sa posibleng mga aftershocks.

Hinikayat din ng OCD-12 ang lahat na lumahok sa nalalapit na nationwide earthquake drill na itinakda sa Marso 13 ngayong taon bilang bahagi ng paghahanda sa mga ganitong uri ng sakuna.