-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga law enforcement agency ang masusing pagsisiyasat sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University upang matukoy ang mga posibleng pagkukulang at makagawa ng mga hakbang para hindi na maulit ang naturang trahedya.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang Pangulo sa mga pamilya ng mga nasawi at sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga na naapektuhan ng insidente.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mahalagang matiyak na ang mga paaralan ay nananatiling ligtas na lugar kung saan makapag-aaral at makakapaghubog ng kanilang kinabukasan ang mga kabataan nang walang takot.

Bagama’t pribadong paaralan ang Ateneo de Zamboanga, sinabi ni Castro na ang direktiba ng Pangulo ay hindi lamang para sa naturang institusyon kundi para sa lahat ng paaralan, pampubliko man o pribado.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Castro ang responsibilidad ng mga magulang at guro sa paggabay sa mga estudyante. Aniya, dapat maging mabuting halimbawa ang mga nakatatanda at paaralan sa paghubog ng asal at pagpapahalaga ng mga kabataan.

Hinimok din niya ang publiko na huwag balewalain ang mga banta sa buhay, lalo na ang mga ipinapahayag sa social media. Aniya, hindi dapat ituring na normal ang anumang pahayag na nanghihikayat sa karahasan o pagpatay.

Giit ni Castro, kinakailangan ang koordinasyon ng pamahalaan, mga paaralan, magulang at komunidad upang mapalakas ang seguridad ng mga kabataan at maagapan ang mga sitwasyong maaaring humantong sa panibagong insidente.