Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na ilipat sa kalagitnaan ng Setyembre 2027 ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2028 elections, ilang linggo bago ang karaniwang filing period sa Oktubre.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, layunin nitong bigyan ang komisyon ng mas mahabang panahon para suriin ang mga kandidato, party-list groups at mga posibleng nuisance candidates bago matapos ang balota.
Makikinabang din umano ang mga naghahain ng petisyon laban sa mga kandidato at party-list groups dahil magkakaroon ng mas maraming oras ang Comelec para resolbahin ang mga usapin.
Maaari rin nitong maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo sakaling magkaroon ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema matapos magsimula ang pag-imprenta ng mga balota. Ayon kay Garcia, maaaring kailanganing ulitin ang printing kapag may huling-minutong pagbabago sa listahan ng mga kandidato.













