Inatasan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na imbestigahan ang pananambang sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) interim Chief Minister Abdulraof Macacua.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, kailangang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng insidente upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa BARMM.
Binigyang-diin ni Garcia na mahalaga ang seguridad ng mga residente at paggalang sa mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon, may kaugnayan man sa halalan ang insidente o wala.
Tinambangan ang convoy ni Macacua noong Sabado, Agosto 15, habang bumibiyahe mula Maguindanao del Norte patungong Cotabato City matapos dumalo sa isang pagtitipon ng Bangsamoro Federalist Party.
Hindi naman nasaktan si Macacua at ang kanyang mga kasama matapos nilang ipagpatuloy ang biyahe hanggang makarating sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.
Nakatutok ngayon ang PNP at AFP sa pagtukoy sa mga responsable sa pag-atake, habang binibigyang-diin ng COMELEC ang pangangailangang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa rehiyon.













