Maaaring maantala ang preparasyon para sa special elections sa ikaapat na distrito ng Cavite dahil wala pang nakalaang pondo para rito, ayon sa Commission on Elections (COMELEC).
Sa pahayag ni George Erwin Garcia, sinabi niyang hindi isinama sa budget ng poll body para sa kasalukuyang taon ang pagsasagawa ng naturang halalan dahil hindi ito kabilang sa mga orihinal na plano ng komisyon.
Nabuksan ang usapin matapos mabakante ang puwesto ng kinatawan ng Cavite 4th District kasunod ng pagkawala ni dating Rep. Elpidio Barzaga Jr.. Ayon kay Garcia, bagama’t malinaw sa batas na kailangang magsagawa ng special elections upang mapunan ang bakanteng posisyon, kinakailangan munang matukoy kung saan manggagaling ang pondo para maisakatuparan ito.
Ipinaliwanag din ng COMELEC na may itinakdang panahon ang batas para sa naturang halalan. Dapat itong idaos hindi bababa sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw mula sa opisyal na deklarasyon ng pagkabakante ng puwesto.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ng komisyon ang mga posibleng mapagkukunan ng pondo habang hinihintay ang mga kinakailangang proseso upang maisulong ang special elections at maibalik ang kinatawan ng mga botante sa ikaapat na distrito ng Cavite sa Mababang Kapulungan.













