Nasa stable na kondisyon na si Barobo, Surigao del Sur Mayor Ronito Martizano matapos magtamo ng sugat sa naganap na ambush nitong Martes ng hapon, Pebrero 3, habang sakay ng kanyang service vehicle sa Barangay Dughanon.
Ayon sa Barobo Local Government Unit, sakay ng isang Hi-Ace van ang alkalde kasama ang kanyang mga close-in bodyguards, ilang kawani ng munisipyo, at mga sibilyan nang harangin sila ng mga armadong suspek na sakay ng isang dirty white na sasakyan at isang motorsiklo.
Agad na pinaputukan ng mga suspek ang sasakyan gamit ang kalibre .45 na pistola at mga long firearms, subalit dahil sa mabilis na pagmamaniobra ng driver, nakalayo ang grupo ng alkalde.
Napag-alamang galing ang alkalde sa inspeksyon ng Panaraga Resort, na planong muling buksan ngayong Sabado, nang mangyari ang insidente.
Tinamaan si Mayor Martizano sa balikat, habang nasugatan din ang isa niyang bodyguard na isang retiradong scout ranger.
Isinailalim sa operasyon ang alkalde at kasalukuyang nasa stable na kondisyon, gayundin ang kanyang bodyguard.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa likod ng pananambang at makilala ang mga responsable.
Sinisilip ng mga awtoridad ang posibleng political angle, gayundin ang kaugnayan nito sa pagpapasara ng ilegal at malakihang minahan sa Barangay Tambis na umano’y pinatatakbo ng mga dayuhan.
Isiniwalat din na nakatanggap na ng mga death threat ang alkalde bago ang insidente.













