-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na lumalakas ang isang tropical storm na mino-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), at inaasahang papasok ito sa sakop ng bansa sa mga susunod na oras.

Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA nitong Biyernes ng gabi, namataan ang sentro ng sama ng panahon sa layong 1,665 kilometro silangan ng Southeastern Luzon. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Nakapagtala ang tropical storm ng maximum sustained winds na 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras.

Kapag nakapasok na ito sa loob ng PAR, nakatakda itong pangalanang “Francisco.” Ayon sa PAGASA, posibleng mangyari ito mamayang Sabado ng gabi o sa madaling-araw ng Linggo.

Bagama’t nasa labas pa ng PAR ang sistema, patuloy itong binabantayan ng mga weather forecaster dahil sa posibilidad na magdulot ito ng masamang panahon sa ilang bahagi ng bansa. Hindi rin isinasantabi ng PAGASA ang posibilidad ng pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga lugar sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon depende sa magiging direksyon at lakas ng bagyo sa mga susunod na araw.