Hindi natuloy ang inaasahang arraignment nina Sen. Jinggoy Estrada at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan matapos ipagpaliban ng Sandiganbayan Second Division ang pagdinig at ilipat ito sa Hunyo 4.
Ayon sa korte, kailangan munang resolbahin ang mosyong inihain ni Estrada na humihiling na ibasura ang graft case o kaya’y ibalik ito sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang imbestigasyon bago siya pormal na maghain ng kanyang plea.
Samantala, hindi rin nakapag-arraignment si Bonoan dahil sa kanyang kondisyon sa kalusugan. Ayon sa kanyang kampo, kamakailan siyang naospital dahil sa mataas na presyon ng dugo at hindi pa sapat ang kanyang kalagayan upang sumailalim sa proseso ng korte.
Dumalo si Bonoan sa pagdinig sakay ng wheelchair ngunit agad ding ibinalik sa ospital sa pangangalaga ng Philippine National Police matapos ang maikling pagdinig. Naghain din siya ng kahilingan para sa hospital arrest habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Kasama sa kaso ang mga dating opisyal ng DPWH-National Capital Region na sina Denryl Caesar Cortuna, Manny Bulusan, at Arturo Gonzales Jr., na nahaharap din sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, sinasabing may sistematikong paglalaan at paglipat ng pondo sa mga proyekto na umano’y nagresulta sa iligal na transaksyon na nagkakahalaga ng P573 milyon.
Bukod sa graft case, nakatakda ring dinggin ang hiwalay na kasong plunder laban sa mga akusado. Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong sina Estrada at ilan sa kanyang mga kapwa akusado habang nagpapatuloy ang mga pagdinig sa korte.













