Nagbigay ng karangalan sa bansa si Filipino para swimmer Ernie Gawilan matapos masungkit ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa 5th Asian Para Games sa Nagoya, Japan, noong Lunes, Oktubre 19.
Nagtala ang 35-anyos na si Gawilan ng oras na 4 minuto at 56.72 segundo sa men’s 400-meter freestyle S7, dahilan upang makuha ang ikatlong sunod niyang ginto sa event at ikalima sa kabuuan sa Asian Para Games.
Pumangalawa si Zhang Yilong ng China sa oras na 5:01.36, habang nagkamit ng bronze medal si Toh Wei Soong ng Singapore sa 5:24.23.
Ayon kay national para swimming coach Tony Ong, nakakuha rin si Gawilan ng puwesto sa 2028 Los Angeles Paralympics batay sa kaniyang naitalang oras.
Inialay naman ng tubong Davao City ang kaniyang tagumpay sa kaniyang asawa at anak na si Eliana.
May dalawa pang event na nakatakdang lahukan si Gawilan sa kompetisyon: ang men’s 200-meter individual medley SM7 at men’s 100-meter backstroke S7.







