-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-pansin ng mga senador ang pangangailangang palakasin ang paghahanda sa posibleng epekto ng super El Niño kasabay ng pag-endorso sa plenaryo ng panukalang ₱28.04 bilyong budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga attached agency nito para sa 2027.

Sa budget hearing na pinangunahan ni Senador Risa Hontiveros, iginiit ang kahalagahan ng sapat na pondo para sa mga hakbang na tutugon sa posibleng matinding tagtuyot at epekto nito sa kalusugan, kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.

Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna, ₱20.62 bilyon ang nakalaan sa pangunahing tanggapan at mga regional office ng departamento, habang ₱3.10 bilyon naman ang para sa Environmental Management Bureau.

Iminungkahi ni Hontiveros ang pagtatayo ng mga pasilidad para sa pag-iimbak ng tubig-ulan at paggamit ng teknolohiya upang matukoy ang alternatibong mapagkukunan ng malinis na inuming tubig.

Samantala, nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na palakasin ang edukasyong pangkalikasan sa mga paaralan sa pamamagitan ng koordinasyon ng DENR, Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Hinimok din ni Senador Pia Cayetano ang DENR na tiyaking ang mga programang pangkalikasan ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad sa baybayin at kabundukan.