-- ADVERTISEMENT --

Hindi itinuturing ng Pilipinas na kabiguan ang hindi pagkakumpleto ngayong taon ng matagal nang pinag-uusapang Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro, malaki na ang naging progreso ng negosasyon matapos maabot ang pansamantalang kasunduan sa humigit-kumulang 80 porsiyento ng mga talata sa draft ng COC.

Gayunman, kailangan pa ng karagdagang panahon upang maresolba ang natitirang mga usapin, kabilang ang mahahalagang probisyon ng kasunduan at ang magiging pagpapatupad nito.

Binigyang-diin ni Lazaro na hindi kabiguan ang hindi pagkakamit ng target sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN Chair ngayong 2026, dahil nakapagtatag na ang bansa ng matibay na pundasyon para maipagpatuloy ang negosasyon.

Matatandaang layunin ng COC na magtakda ng mga tuntunin upang maiwasan ang tensyon at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa pinagtatalunang South China Sea.

Sa susunod na taon, ipagpapatuloy ang negosasyon sa ilalim ng pamumuno ng Singapore bilang bagong ASEAN Chair sa 2027, habang nananatiling umaasa ang Pilipinas na maisasapinal ang isang makabuluhan at epektibong kasunduan.