Hinimok ng Malacañang ang mga grupong nagbabalak magsagawa ng kilos-protesta na pansamantalang ipagpaliban ang kanilang mga demonstrasyon habang nagho-host ang Pilipinas ng 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, mahalagang mapanatili ang pagkakaisa at maipakita ang magandang imahe ng bansa sa harap ng mga lider at dayuhang delegasyon na dumalo sa international gathering.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga raliyista na makipag-ugnayan sa pamahalaan at idaan sa maayos na dayalogo ang kanilang mga hinaing sa halip na magsagawa muna ng mga protesta.
Tiniyak naman ni Castro na nananatiling ipinatutupad ang polisiya ng maximum tolerance sa ilalim ng pamahalaan, Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).
Gayunman, binigyang-diin ng Palasyo na kikilos ang mga awtoridad kung magkakaroon ng paglabag sa batas, panggugulo o pananakit sa mga pulis sa gitna ng mga demonstrasyon.













