Nakatakdang pagpasiyahan ng Makati Regional Trial Court (RTC) sa loob ng 30 araw ang petisyon na humihiling na ipadala sa Estados Unidos si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya roon.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vasquez, magsisimula ang 30-araw na panahon matapos maihain ang huling pleading o matapos ang anumang clarificatory hearing na kakailanganin ng korte.
Ipinaliwanag ni Vasquez na hindi tulad ng karaniwang paglilitis, summary in nature ang extradition proceedings kaya maaari nang ibatay ng korte ang desisyon sa mga dokumentong isinumite ng magkabilang panig.
Kabilang sa mga pangunahing susuriin kung saklaw ng extradition treaty ng Pilipinas at US ang mga kasong kinahaharap ng mga respondent, kung tama ang kanilang pagkakakilanlan at kung natutugunan ang prinsipyo ng dual criminality o kung krimen ang mga alegasyon sa parehong bansa.
Saklaw din ng petisyon ang mga kapwa akusado ni Quiboloy na sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag, na nahaharap sa mga kasong international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling sa US.
Ayon pa kay Vasquez, maaaring pansamantalang isuko ng pamahalaan sa US ang mga respondent habang ipinagpapaliban ang mga kaso nila sa Pilipinas. Maaari rin namang unahin ang mga kasong lokal at hindi muna ipatupad ang extradition order.
Nauna nang naglabas ang korte ng judicial extradition warrants matapos matukoy ang probable cause. Ang magiging desisyon nito ang magsisilbing batayan sa susunod na hakbang ng pamahalaan kaugnay ng kahilingan ng US.












