Hiniling ni Senador Rodante Marcoleta at tatlo pa niyang kapwa akusado sa Sandiganbayan na ibasura ang kinakaharap nilang kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara sa P75 milyong donasyong natanggap ng senador noong kinakatawan pa niya ang SAGIP Party-list.
Ayon kay Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma nitong Miyerkules, naghain ang apat ng mosyon upang humingi ng pahintulot na magsumite ng demurrer to evidence, sa paniniwalang kulang ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon upang patunayan ang mga paratang.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Marcoleta sina dating kongresista Mike Defensor at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu.
Batay sa mga alegasyon, nagmula ang P75 milyong donasyon sa tatlong indibidwal, kung saan P30 milyon umano ang ibinigay ni Defensor, P25 milyon ni Espiritu at P20 milyon ni Viray.
Nauna nang inamin ni Marcoleta sa isang panayam sa telebisyon na natanggap niya ang naturang halaga mula sa tatlo niyang kaibigan.
Samantala, inatasan ng Sandiganbayan ang prosekusyon na magsumite ng consolidated comment sa mga mosyon sa loob ng limang araw mula nang matanggap ang abiso ng korte.
Sa pamamagitan ng demurrer to evidence, hinihiling ng mga akusado na wakasan ang kaso dahil umano sa kawalan ng sapat na ebidensya laban sa kanila.













