Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi magiging hadlang ang dating pagiging hepe ng pambansang pulisya ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., walang magiging espesyal na pagtrato sa senador at mananatiling walang kinikilingan ang operasyon ng mga awtoridad.
Kasunod ito ng panawagan ng Malacañang na tiyaking hindi makaaapekto ang dating posisyon at personal na ugnayan ni Dela Rosa sa mga pulis sa paghahanap sa kanya.
Nauna nang inamin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na hamon sa manhunt ang dating pamumuno ng senador sa PNP. Sinabi naman ni Palace Press Officer Claire Castro na inaasahan ng administrasyon na tutuparin ng pulisya ang kanilang tungkulin nang walang kinikilingan.
Ayon kay Nartatez, patuloy ang pagtanggap at beripikasyon ng mga impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng senador sa pamamagitan ng dedicated hotlines at nationwide tracker teams.
Naglaan din ang pamahalaan ng ₱50 milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkakaaresto kay Dela Rosa.
Wanted ang senador ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga alegasyong crimes against humanity na may kinalaman sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.













