Nauwi sa trahedya ang biyahe ng ilang turista sa Nepal matapos masangkot sa banggaan ang dalawang helicopter sa Pheriche, Solukhumbu district, na ikinasawi ng isang Indian national at ikinasugat ng tatlong iba pa.
Kinilala ang nasawi na si Vasanth Kumar Balaramudu, na sakay ng helicopter na pag-aari ng Fishtail Air.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:11 ng umaga habang kapwa nagsasagawa ng landing maneuver ang dalawang helicopter. Nagkabanggaan umano ang kanilang rotor blades na naging sanhi ng aksidente.
Kabilang naman sa tatlong nasugatan ang isang turistang mula New Zealand at ang dalawang piloto ng mga sangkot na helicopter.
Agad na isinugod sa Kathmandu ang mga sugatan upang mabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa Nepal upang matukoy ang eksaktong dahilan ng banggaan at kung may pagkukulang sa landing operations ng dalawang sasakyang panghimpapawid.







