-- ADVERTISEMENT --

Hindi ang Saligang Batas ng Pilipinas kundi ang pagtanggi ng China na kilalanin ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea ang dahilan kung bakit hindi natutuloy ang eksplorasyon sa mga reserba ng langis at natural gas sa naturang karagatan.

Ito ang binigyang-diin ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela bilang tugon sa pahayag ni Senador Robin Padilla na naging hadlang umano ang Konstitusyon sa mga planong joint exploration ng Pilipinas at China sa mga nagdaang administrasyon.

Ayon kay Tarriela, layunin ng Konstitusyon na pangalagaan ang likas na yaman ng bansa at tiyaking hindi ito mapagsasamantalahan nang hindi patas ng mga dayuhang interes.

Paliwanag niya, pinapayagan naman ng Konstitusyon ang joint development kasama ang mga dayuhang korporasyon, basta’t sumusunod ang mga ito sa mga rekisito ng batas at sa Service Contract System.

Gayunman, hindi natuloy ang mga naunang kasunduan dahil sa mga isyung may kaugnayan sa pagkilala ng China sa karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.

Kabilang dito ang Joint Marine Seismic Undertaking na kalauna’y idineklarang unconstitutional, gayundin ang nabigong pagtatangka sa panibagong joint exploration noong 2018.

Muling iginiit ni Tarriela na ang hindi pag-usad ng eksplorasyon sa Recto Bank ay may malaking kaugnayan sa posisyon ng China, sa kabila ng potensiyal nitong makatulong sa suplay ng langis ng bansa.