-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagbabala ang Koronadal City Health Office sa publiko laban sa pagtikim o pagkain ng mga pagkaing iniaalay at iniiwan sa mga puntod at nitso sa mga sementeryo dahil sa posibleng panganib nito sa kalusugan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Dr. Vincent Ende, Koronadal City Health Officer, ipinaliwanag nito na hindi ligtas kainin ang mga naturang pagkain dahil maaari na itong nalantad sa hangin, alikabok, mga insekto at iba’t ibang uri ng mikrobyo o bacteria mula sa kapaligiran.

Ayon kay Dr. Ende, posibleng makontamina ang mga pagkaing matagal na naiiwan sa labas, lalo na kung hindi natatakpan at hindi maayos ang pagkakalagay.

Maaari itong magdulot ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagdudmi at food poisoning sa sinumang makakakain nito.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal na tikman o kainin ang mga pagkaing iniaalay sa mga yumao. Sa halip, mas mainam na magdala na lamang ng sariling pagkain na inihanda at itinago sa malinis at ligtas na paraan upang maiwasan ang anumang sakit.

Samantala, pinaalalahanan din ang mga bibisita sa mga sementeryo na magdala ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration dahil sa mainit na panahon.

Mainam ding gumamit ng payong, sombrero o jacket upang maprotektahan ang sarili laban sa matinding sikat ng araw.

Pinapayuhan din ang mga indibidwal na may maintenance medication na tiyaking dala ang kanilang mga gamot, lalo na kung magtatagal sa sementeryo o bibiyahe sa ibang lugar.

Binigyang-diin ng Koronadal City Health Office na dapat unahin ang kaligtasan at kalusugan upang maiwasan ang anumang insidente ng pagkakasakit habang dumadalaw sa mga mahal sa buhay na pumanaw.