-- ADVERTISEMENT --

Nag-isyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit 1,000 special permits para sa karagdagang mga bus upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., layunin nitong matiyak na may sapat na masasakyan ang mga uuwi sa kanilang probinsya at bibisita sa mga sementeryo upang gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Kasabay nito, inatasan ng Pangulo ang mga kaukulang ahensya na higpitan ang inspeksyon sa mga paliparan, pantalan at bus terminal upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Patuloy rin ang pagkukumpuni sa mga pangunahing kalsada upang maiwasan ang abala at mapagaan ang daloy ng trapiko sa panahon ng Undas.

Binigyang-diin ni Marcos na mahalagang maging ligtas, maayos at maginhawa ang biyahe ng publiko, lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong panahon ng paggunita sa mga yumao.