-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang pakilusin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang halos 283,000 barangay tanod sa buong bansa bilang force multipliers para matiyak ang seguridad at kaayusan sa paggunita ng Undas 2026.

Batay sa datos ng ahensya, nasa 282,989 barangay tanod mula sa 42,010 barangay ang nakahandang i-deploy katuwang ang mahigit 111,000 pulis na magsasagawa ng pagpapatrulya sa mga sementeryo, memorial parks at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.

Sa pamamagitan ng memorandum circular, inatasan din ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na magpulong ang kanilang Local Peace and Order Councils upang pag-usapan ang mga hakbang sa seguridad, crowd control at traffic management.

Kabilang sa mga pakikilusin ang barangay tanod, medical personnel, traffic enforcers at iba pang puwersa na tutulong sa pagpapanatili ng kaayusan mula Nobyembre 1 hanggang 2.

Samantala, nagsagawa na rin ng kani-kanilang paghahanda ang ilang lokal na pamahalaan.

Sa Baguio City, ipinatutupad ang Oplan Kaluluwa at Oplan Harabas para sa seguridad, pamamahala ng trapiko at fire prevention.

Sa Sagada, nagsagawa naman ng information drive ang pulisya at barangay peacekeeping teams upang maiwasan ang pagnanakaw at iba pang insidente, habang naglabas din ng mga panuntunan ang Mandaue City para sa kaligtasan ng publiko.

Sa Malolos City naman, nagsagawa ng asphalt overlay at road patching malapit sa sementeryo sa Barangay Panasahan upang matiyak ang mas ligtas na biyahe ng mga motorista at pedestrian.