-- ADVERTISEMENT --

Tiwala si House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro sa bigat ng mga financial documents na iniharap ng prosecution panel laban kay Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Iginiit ni Luistro na hindi nagsisinungaling ang mga numerong nakasaad sa bank accounts at tax records na ginamit bilang ebidensiya sa Article II o unexplained wealth allegations laban sa Bise Presidente.

Ayon sa mambabatas, nagmula mismo kay Duterte ang ilan sa mga dokumentong kanilang ginamit, kabilang ang tax at bank records, gayundin ang mga impormasyong may kaugnayan sa mga kumpanyang inuugnay sa Bise Presidente at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Batay naman sa forensic analysis ni Atty. Alex Cabrera, tinatayang mahigit P817.8 milyon ang hindi umano naideklara ng mag-asawa sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte, batay sa konserbatibong pagtataya.

Binigyang-diin ni Luistro ang kanilang kumpiyansa sa mga dokumento sa kabila ng resulta ng September survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan marami umanong Pilipino ang hindi naniniwala sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

Kabilang sa mga paratang sa Article II ang umano’y hindi tapat at kumpletong pagdedeklara ng mga ari-arian, gayundin ang pagkakaroon ng negosyo at financial interests habang nanunungkulan bilang Bise Presidente.