-- ADVERTISEMENT --

Boluntaryong tinalikuran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang karapatang personal na dumalo sa status conference ng kasong crimes against humanity na kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 2, 2026.

Inaprubahan ng ICC Trial Chamber III ang kahilingan ni Duterte na hindi na dumalo sa naturang pagdinig, habang maaari pa rin siyang katawanin ng kaniyang mga abogado sa mga talakayan hinggil sa pagpapatuloy ng kaso.

Layunin ng status conference na talakayin ang paghahanda at mahahalagang hakbang bago ang aktuwal na paglilitis.

Matatandaang noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang tatlong bilang ng murder bilang crimes against humanity laban kay Duterte, kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra ilegal na droga noong alkalde pa siya ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.