-- ADVERTISEMENT --

Nauwi sa trahedya ang isang routine training operation ng Italian military matapos bumagsak ang kanilang CH-47 Chinook helicopter sa Brcko region, Bosnia and Herzegovina, na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng 11 iba pa.

Ayon sa European Union Force in Bosnia (EUFOR), naganap ang aksidente sa Brcko, humigit-kumulang 180 kilometro sa hilaga ng Sarajevo, ang kabisera ng bansa.

Kinumpirma ng Italian government na pawang Italian nationals ang sakay ng helicopter. Batay sa Italian Ministry of Defense, kabilang sa apat na nasawi ang dalawang sundalo at dalawang Red Cross volunteer.

Ayon naman sa Brcko Hospital, 15 katao ang sakay ng sasakyang panghimpapawid. Tatlo ang agad na nasawi sa pinangyarihan habang binawian naman ng buhay sa ospital ang ikaapat na biktima.

Samantala, nasa stable condition na ang 11 sugatan at patuloy na tumatanggap ng kinakailangang medical treatment.

Patuloy namang iniimbestigahan ng EUFOR ang insidente upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter.