-- ADVERTISEMENT --

Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema ang Senate impeachment court at House of Representatives kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa bilang ng boto na kailangan upang mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Inihain ang petisyon nina Senators Robin Padilla at Bong Go, kasama ang PDP-Laban at iba pang mga abogado. Sa resolusyong may petsang Oktubre 14, binigyan ng Korte Suprema ang dalawang kapulungan ng limang araw mula sa pagtanggap ng abiso upang isumite ang kanilang mga komento.

Kasunod ito ng botohan ng Senate impeachment court noong Miyerkules, kung saan inaprubahan ng 13 senador ang hindi pagsama sa bilang ng mga senator-judge na nakakulong, suspendido o legal na hindi makaganap ng kanilang tungkulin sa pagkukuwenta ng kinakailangang two-thirds vote.

Dahil 20 senador na lamang ang isasama sa bilang, itinakda sa 13 boto ang kailangan upang maabot ang two-thirds threshold, matapos i-round up ang 13.333 na resulta.

Nakasentro ang usapin sa legalidad ng paraan ng pagkukuwenta ng kinakailangang boto para sa posibleng paghatol kay Duterte. Inaasahang makatutulong ang mga komento ng dalawang kapulungan sa pagsusuri ng Korte Suprema sa petisyon.