Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtataas sa import quota ng mais sa bansa mula 220,000 metric tons tungong 500,000 metric tons ngayong 2026 upang matugunan ang inaasahang kakulangan sa suplay ng yellow corn.
Sa ilalim ng Executive Order No. 129, tinatayang magkakaroon ng kakulangan na 1.42 milyong metric tons ng yellow corn mula Marso hanggang Disyembre dahil sa mataas na gastos sa produksyon, pagtaas ng presyo ng krudo at epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Sa pamamagitan ng mas mataas na quota sa pag-angkat, layunin ng pamahalaan na matiyak ang sapat na suplay ng mais na ginagamit sa paggawa ng feeds para sa mga manok at iba pang alagang hayop. Inaasahan ding makatutulong ang hakbang upang mapatatag ang presyo ng pakain at maibsan ang epekto ng pagtaas ng gastos sa produksyon ng mga livestock at poultry raiser.
Inatasan naman ang MAV Management Council na maglabas ng mga kinakailangang alituntunin sa loob ng 30 araw mula sa paglagda sa kautusan. Layunin nitong matiyak ang malinaw, maayos at patas na pamamahagi ng karagdagang import quota.
Nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 129 noong Oktubre 26, 2026, bilang bahagi ng mga hakbang ng administrasyon upang matugunan ang inaasahang kakulangan sa suplay at mapanatili ang katatagan ng sektor ng paghahayupan at manukan.












