-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Pansamantalang sinuspinde ang klase sa Notre Dame of Marbel University (NDMU) Main Campus sa Koronadal City ngayong hapon, Oktubre 27, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa bomb threat dakong alas-12:30 ng tanghali.

Ito ang kinumpirma ni PLtCol. Harold Cornel, hepe ng Koronadal City Police Station, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Cornel, agad na nagtungo sa paaralan ang mga tauhan ng Koronadal City Police Station, kasama ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) at K-9 Unit, upang beripikahin ang ulat at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at iba pang kawani ng unibersidad.

Natagpuan sa lugar ang dalawang vellum paper na may nakasulat na mga salitang nagbabanta sa paaralan, dahilan upang magsagawa ng masusing inspeksiyon ang mga awtoridad.

Agad na nagsagawa ng pag-iinspeksiyon at paghalughog ang EOD at K-9 Unit sa buong campus upang matukoy kung may nakalagay na improvised explosive device (IED) o iba pang kahina-hinalang bagay.

Gayunman, negatibo ang naging resulta ng inspeksiyon matapos walang matagpuang IED sa loob ng paaralan.

Bilang pag-iingat, pansamantalang sinuspinde ang klase ngayong hapon habang isinasagawa ang inspeksiyon at mga hakbang sa seguridad sa buong campus.

Matapos ang insidente, agad ding nagpulong ang kapulisan, mga administrador ng paaralan, kawani at security personnel upang talakayin ang mga kinakailangang hakbang para mapalakas ang seguridad at maiwasan ang pag-ulit ng katulad na pangyayari.

Kabilang sa mga tinalakay ang pagpapaigting ng seguridad sa paaralan at ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon sa anumang kahina-hinalang aktibidad o banta sa kaligtasan ng mga estudyante at kawani.

Muling nanawagan ang PNP sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad na ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang pangyayari o natatanggap na pagbabanta.

Binigyang-diin din ng kapulisan na hindi biro ang pagbibigay ng bomb threat at ipinagbabawal ito sa ilalim ng batas. Nagbabala ang PNP na ang sinumang mapatutunayang responsable sa naturang pagbabanta ay maaaring kasuhan, arestuhin at makulong alinsunod sa umiiral na batas.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang nasa likod ng bomb threat at mapanagot ang sinumang mapatutunayang sangkot sa insidente.