-- ADVERTISEMENT --

Nabigong makasungkit ng medalya si three-time gymnastics world champion at two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo sa men’s vault at floor exercise finals ng 54th Artistic Gymnastics World Championships sa Rotterdam, Netherlands.

Sa men’s vault final nitong Linggo, Oktubre 25, nagtapos si Yulo sa ikapitong puwesto matapos makapagtala ng average na 13.833 puntos mula sa kanyang dalawang vault attempts.

Nakuha niya ang 13.333 puntos sa unang vault, mula sa 5.600 difficulty score at 8.033 execution score, ngunit nabawasan ng 0.30 puntos dahil sa pagkakamali sa landing. Sa ikalawang pagtatangka, nakapagtala siya ng 14.433 puntos, na binubuo ng 5.200 difficulty score at 9.233 execution score.

Hindi rin naging pabor ang resulta ni Yulo sa men’s floor exercise final noong Sabado, Oktubre 24, kung saan nagtapos siya sa ikawalong puwesto taglay ang 13.233 puntos. Naging malaking hadlang ang pagkakamali niya sa landing ng second tumbling pass, na nakaapekto sa kanyang execution score at kabuuang marka.

Sa kabila ng pagkabigong makapodium sa dalawang event, nananatiling isa si Yulo sa pangunahing kinatawan ng Pilipinas sa international gymnastics, kasunod ng kanyang mga tagumpay sa Olympic Games at world championships.