Hiniling ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na bawasan ang dami ng ebidensyang isinumite ng prosekusyon, iginiit na ang kasalukuyang volume ng mga dokumento ay maaaring makapagpahirap sa kanilang paghahanda para sa paglilitis.
Sa motion na inihain noong Setyembre 25, sinabi ng lead defense counsel na si Peter Haynes na tumaas nang malaki ang prosecution evidence—mula sa 5,275 items ay umabot umano sa 62,130 files, na katumbas ng mahigit 320,000 pahina.
Ayon sa depensa, tinatayang aabutin ng 16,000 oras ang pagsusuri sa naturang mga dokumento, lalo na’t nakatakda ang trial sa Nobyembre 30.
Kinuwestiyon din ng defense team ang kalidad at kaugnayan ng ilan sa mga isinumiteng file. Kabilang sa mga binanggit nito ang umano’y maling metadata, duplicate documents, hindi mabasang scans, magkakahiwalay na pahina at mga materyal na sinasabing walang direktang kaugnayan sa 49 insidenteng saklaw ng kaso.
Isa sa partikular na tinukoy ng depensa ang dataset na may 44,400 items na umano’y naglalaman ng impormasyon tungkol sa mahigit 20,000 drug-related deaths.
Iginiit din ng defense team na may ilang file na pinroseso gamit ang automated AI-generated summaries, na bahagi ng kanilang mga argumento sa motion.
Bilang hakbang upang maiwasan ang posibleng pagkaantala ng paglilitis, iminungkahi ng depensa na bumuo ang prosekusyon ng bagong case file na hindi lalampas sa 10,000 items.
Ayon sa mungkahi, dapat kabilang lamang dito ang mga ebidensyang nasuri at napatunayang may kaugnayan sa kaso, walang duplicate, at pati mga materyal na maaaring maging pabor kay Duterte.
Nasa Trial Chamber III na ngayon ang mosyon at inaasahang magpapasya ito sa kahilingan ng depensa sa mga susunod na araw.













