-- ADVERTISEMENT --

Isang bagong kabanata ang sisimulan ni Mary Jane Veloso matapos siyang tuluyang makalaya mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong kasunod ng absolute pardon na ipinagkaloob sa kaniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Emosyonal si Veloso nang tuluyang makalabas ng pasilidad nitong Biyernes ng gabi. Bitbit niya ang dokumento ng kaniyang absolute pardon habang ipinapahayag ang pasasalamat sa pagkakataong makabalik sa kaniyang pamilya.

Matapos ang mga taon na malayo sa kaniyang mga anak, sinabi ni Veloso na umaasa siyang makakabawi pa siya sa panahong nawala sa kanila.

Nilagdaan ni Marcos ang absolute pardon para kay Veloso noong Setyembre 24, na naging daan para tuluyan na siyang makalaya matapos ang matagal na pagkakakulong.

Bago ito, inilipat si Veloso sa kustodiya ng Pilipinas noong Disyembre 2024 mula Indonesia, kung saan siya nakulong nang ilang taon matapos mahatulan ng parusang kamatayan sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Noong 2015, nakatakda sanang isagawa ang kaniyang pagbitay sa pamamagitan ng firing squad. Ngunit ipinagpaliban ito matapos maaresto ng mga awtoridad ang babaeng sinasabing nag-recruit kay Veloso. Ang naturang babae ay kinasuhan ng human trafficking, habang naging prosecution witness si Veloso.

Ngayon, hindi na ang selda kundi ang kaniyang pamilya ang sentro ng susunod na yugto ng buhay ni Veloso.

Naghihintay na lamang siya sa pagdating ng kaniyang pamilya mula sa probinsiya bago tuluyang makaalis sa correctional facility at makauwi sa mga mahal niya sa buhay.