Tatlong katao ang kumpirmadong nasawi habang ilang iba pa ang sugatan matapos ang isang pamamaril sa isang national high school sa Barangay Benitez, Banga, South Cotabato, bandang alas-1 ng hapon nitong Setyembre 18.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), agad na rumesponde ang mga pulis at siniguro ang lugar kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng paaralan at medical responders.
Patuloy namang bineberipika ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan at kondisyon ng mga nasawi at sugatan, gayundin ang mga detalye at motibo sa likod ng insidente.
Sinabi ng PNP na patuloy ang imbestigasyon ng Police Regional Office 12 at South Cotabato Police Provincial Office upang matukoy ang buong pangyayari.
Nanawagan ang pulisya sa publiko na huwag magpakalat o magbahagi ng mga hindi pa beripikadong ulat, larawan, at video tungkol sa insidente.
Nangako ang PNP na maglalabas ng karagdagang impormasyon kapag nakumpirma na ang mga detalye, habang nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante at personnel ng paaralan.













