-- ADVERTISEMENT --

Pinalagan ni Vice President Sara Duterte ang pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na umano’y “madrama” ang kanyang kampo, iginiit na si Remulla ang tunay na naghahanap ng drama.

Sinabi ito ni Duterte matapos niyang ihayag na nangangamba siya para sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya dahil sa umano’y mga banta at panggigipit ng mga pulis mula pa noong 2023. Aniya, mas maituturing na “drama” ang pag-aresto kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Dumating si Duterte sa Quezon City Regional Trial Court nitong Setyembre 11, kasama ang kanyang kapatid na si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, para sa nakatakdang arraignment sa tatlong counts ng grave threats.

Ang kaso ay kaugnay ng kanyang mga pahayag noong Nobyembre 2024 tungkol sa umano’y pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Romualdez.

Gayunman, ipinagpaliban ang arraignment dahil sa pending motion na inihain ng kanyang kampo, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Paul Lawrence Lim.

Paglabas ng korte, hinarap ni Duterte ang kanyang mga tagasuporta at muling nanawagan ng paglaban sa katiwalian. Kasabay nito, tahasan niyang hinimok si Marcos na magbitiw at muling binatikos ang Pangulo bilang “sinungaling” at “abusado.”