-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Department of Agriculture (DA) tungkol sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño sa suplay at presyo ng mga pangunahing pagkain sa bansa.

Ayon sa BSP, maaaring lumala ang pressure sa presyo ng pagkain habang nahaharap ang sektor ng agrikultura sa epekto ng tagtuyot, kasabay ng pabago-bagong kondisyon sa pandaigdigang merkado at presyuhan ng bigas.

Dahil dito, isinasaalang-alang ng central bank ang posibilidad ng karagdagang monetary action sakaling magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Nauna nang nagtaas ang BSP ng key interest rate ng 25 basis points bilang bahagi ng mga hakbang nito laban sa inflation.

Dagdag na hamon sa food supply ang naitalang 4.85 percent na pagbaba sa produksyon ng palay noong 2024, habang tumaas naman ng 21 percent ang All Rice Price Index noong 2023, matapos ipatupad ng India ang rice export ban sa gitna ng banta ng El Niño.

Samantala, inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga ahensya ng DA na palakasin ang kanilang mga hakbang bilang paghahanda sa epekto ng tagtuyot.

Kabilang sa mga planong hakbang ang cloud seeding, pagpapalawak ng solar-powered irrigation, paggamit ng mga binhing matibay sa tagtuyot, crop insurance at ayuda sa mga apektadong magsasaka. Isinasaalang-alang din ang paglilipat ng produksyon sa mga lugar na hindi gaanong maaapektuhan ng tagtuyot.