ZAMBOANGA CITY — Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School Campus sa Barangay Tumaga, Zamboanga City, na ikinasawi ng dalawang estudyante nitong Martes ng umaga, Agosto 18, 2026.
Kabilang sa dalawang nasawi ang hinihinalang gunman na isang Grade 7 student at isang Grade 10 student na biktima ng pamamaril.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pumasok umano ang suspek sa campus na may dalang baril at unang nagpaputok bago nagtungo sa isang classroom kung saan binaril ang Grade 10 student.
Matapos ang insidente, nagtungo umano ang suspek sa ibang bahagi ng gusali at kalaunan ay binaril ang sarili.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Zamboanga City Police Office at iba pang emergency responders matapos maiulat ang pamamaril dakong alas-7:45 ng umaga.
Isinailalim sa seguridad ang campus habang isinagawa ng mga awtoridad ang crime scene processing at iba pang hakbang sa imbestigasyon.
Sinuspinde naman ng pamunuan ng Ateneo de Zamboanga University ang mga klase kasunod ng insidente at nagsagawa ng mga hakbang para sa kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante, guro at personnel.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pamamaril at ang kumpletong detalye ng insidente.













