Halos P1.4 trilyon ang ilalaan sa mga local government unit (LGU) sa ilalim ng 2027 national budget, habang nakatakda rin ang record-high na P58.53 bilyon para sa Local Government Support Fund (LGSF).
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa ang proposed National Tax Allotment (NTA) para sa LGUs sa susunod na taon.
Sa kabuuang pondo, P448.70 bilyon ang mapupunta sa 1,491 munisipalidad, P303.56 bilyon sa mga lalawigan at P263.97 bilyon sa mga barangay, habang ang natitirang bahagi ay ilalaan sa mga lungsod.
Bukod sa NTA, gagamitin din ang P58.53 bilyong LGSF para suportahan ang mga proyektong direktang nakikinabang ang mga komunidad, kabilang ang road projects, farm-to-market roads, water systems, health facilities at mga gusaling maaaring magsilbing evacuation centers.
Bahagi rin ng mga programang sinusuportahan ng LGSF ang pamamahagi ng 10 kilo ng libreng bigas kada dalawang buwan sa halos walong milyong pamilya.
Sinabi ni Recto na pinasimple na rin ng gobyerno ang proseso ng pag-access ng LGUs sa LGSF sa pamamagitan ng pagbabawas ng requirements upang mapabilis ang pag-apruba at paglabas ng pondo.
Tiniyak ng kalihim na patuloy pang palalakihin ng administrasyon ang suporta sa mga LGU, lalo na sa mga programang may malinaw at direktang epekto sa paghahatid ng serbisyo sa publiko.













