-- ADVERTISEMENT --

Itinakda ng Sandiganbayan Third Division sa Agosto 18 ang pagdinig kaugnay ng preventive suspension ni Senador Rodante Marcoleta.

Samantala, sa Setyembre 3 naman nakatakda ang unang hearing para sa bail petition ni Marcoleta at ng kanyang tatlong kapwa akusado sa kasong plunder.

Inanunsiyo ito ni Sandiganbayan Third Division chairperson Associate Justice Karl Miranda kasabay ng pretrial proceedings ng kaso.

Noong Hulyo 22, inatasan ng korte si Marcoleta na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat pansamantalang suspendihin bilang senador. Noong Agosto 3, nagsumite siya ng manifestation upang tutulan ang preventive suspension, ngunit wala pang tugon ang prosekusyon.

Kinumpirma rin ng korte na naghain ng kani-kanilang bail petition sina Marcoleta at ang kanyang mga kapwa akusado.

Kasama ng senador sa plunder case sina dating Rep. Mike Defensor, Joseph Espiritu at Aristotle Viray. Kaugnay ang kaso sa umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations ni Marcoleta noong 2025 elections.