-- ADVERTISEMENT --

Pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagsasampa ng kasong human trafficking laban kay dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras kaugnay ng umano’y “honey trap” scheme na sinasabing tumarget kay Executive Secretary Ralph Recto at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, hindi lamang si Recto ang umano’y naging target ng naturang modus. Kabilang din aniya sina Ombudsman Jesus Remulla at Public Works Secretary Vince Dizon.

Sinabi ni Remulla na may paniniwala silang si Paras ang posibleng utak ng operasyon at umano’y nagsisilbing tagapag-ugnay sa mga sangkot sa tinatawag na “honey trap” scheme.

Samantala, mariing itinanggi ng kampo ni Paras ang mga akusasyon. Ayon sa abogado nitong si Atty. Mark Tolentino, walang batayan ang mga paratang at hinamon nito si Remulla na magharap ng matibay na ebidensiya upang suportahan ang mga alegasyon.