-- ADVERTISEMENT --

Tututukan ng Senate Impeachment Court ngayong ikalimang linggo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang usapin ng paggastos sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, inaasahang ilalatag ngayong linggo ang mga detalye kung paano ginamit ang mga pondong inencash, kung sinu-sino ang tumanggap ng mga ito, at ang layunin ng naturang mga transaksyon.

Nakatakdang humarap bilang mga testigo ang dalawang state auditors mula sa Commission on Audit (COA) at isang archivist upang magbigay-linaw sa mga dokumentong may kaugnayan sa kaso. Posible ring mabuksan sa pagdinig ang kontrobersiyal na usapin ng “Mary Grace Piattos.”

Noong nakaraang linggo, tumestigo ang dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines na nagsabing “unusual” o hindi pangkaraniwan ang serye ng malalaking cash withdrawals ng OVP at DepEd, bagama’t ipinaliwanag nilang naiproseso naman ang mga ito alinsunod sa mga patakaran ng bangko.

Batay sa kanilang testimonya, umabot sa kabuuang ₱612.5 milyon na pampublikong pondo ang inilabas sa pamamagitan ng mga tseke at kinuha bilang cold cash.

Ayon kay dating LandBank Shaw Boulevard branch manager Violeta Constantino, apat na beses nag-encash ng tig-₱125 milyong tseke si OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023. Aniya, inilagay ang salapi sa tatlo hanggang apat na malalaking gym bag sa loob ng isang pribadong silid ng bangko.

Samantala, sinabi naman ni dating LandBank DepEd branch manager Nenita Camposano na tatlong beses ding nag-withdraw ng tig-₱37.5 milyong cold cash si DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda noong si Duterte pa ang kalihim ng DepEd.

Hindi na nagsagawa ng cross-examination ang kampo ng depensa sa dalawang testigo. Ayon kay Atty. Michael Poa, pananaw lamang ng mga branch manager ang paglalarawan sa mga transaksyon bilang “unusual,” habang kinumpirma niyang dumaan naman sa tamang proseso ng bangko ang mga withdrawal.

Magpapatuloy ang impeachment trial ngayong Lunes, Agosto 3, ganap na alas-10:00 ng umaga.